Ang Puno, Ang Baging at Ang Damo
Ang sabi ng puno sa mababang damo
Hanggang diyan ka lang ba sa may paanan ko
Tumulad ka sa akin, matikas ang tindig
Kaya kong abutin, mataas na langit
Oo nga, oo nga, sabi nitong baging
Bakit ba hindi ka tumulad sa amin
Mataas ang tindig, malayo ang tingin
Mataas na langit ay kayang abutin
Ayokong sa iyo, puno ay tumulad
Pagkat tanda ko pa ang sabi ng lahat
Kung ano ang taas ng iyong paglipad
Ay siya ring lagapak pag ika'y bumagsak
Sa iyo naman baging, ang masasabi ko
Ayokong parisan ang isang tulad mo
Nakatayo ka nga'y nakasandig lamang
Sa sariling tatag, wala kundi hiram
Sa mundo ng tao'y, dami mong kawangis
Ayaw na mababa, ayaw na maliit
Kahit na sa sanga, kahit na sa siit
Huwag lang matapakan, pilit kumakapit
At sa iyo puno, sa 'kin makinig ka
Sa mga tao ay dami mong kapara
Ang mga mahina, ang mga maliit
Sa 'yong kapakanan iyong ginagamit
Meron ka nang dahon ay nanghihiram pa
Ng lilim sa baging, ginagamit mo siya
Para magmukha kang malago't mayabong
Ganoong kokonti lang ang iyong dahon
Lumakas ang hangin, dumating ang unos
Puno ay nabuwal, baging ay nalagot
Sa ilalim ng araw sila ay natuyot
Damo ay buhay pa at sariwang lubos
poem by Pacific Hernandez
Added by Poetry Lover
Comment! | Vote! | Copy!
No comments until now.