Mga Luha ng Kandila
Ako ay papunta sa mundong ibabaw
Nang ang liwanag mo'y una kong mamasdan
Liwanag na siyang matiyagang gumabay
Sa isang pares ng mabubuting kamay
Na sa akin ay sumahod mula sa karimlan
Na aking daigdig hanggang siyam na buwan
Ako'y inilapag nang buong lumanay
Sa siping ni Ina ako'y inilagay
Noon ko nakita luha mong napatak
Na kung para ano'y di ko madalumat
Iyon ba ay luha ng kaligayahan
Ang magiging akin, buhay na tiwasay
O 'yun ba'y mga luha ng kalungkutan
Ang daranasin ko'y pawang kabiguan
Muli kong nakita ang iyong liwanag
Sa araw na takda noong aking binyag
Muli, nakita ko iyong mga luha
'Yon ba'y pahiwatig o kaya'y babala
Ng dahop na buhay o kaya'y sagana
Ang iyong liwanag muli kong nakita
Nang ako't ang mahal ko'y kinakasal na
Init ng 'yong tanglaw noon ko nadama
Sing init ng isang tunay na pagsinta
Pagal kong katawan binigyang ginhawa
Ang huli mong sindi di ko na nakita
At ang iyong init di ko na nadama
Tanging naririnig ko'y mga panaghoy
Panangis ng mga nagluluksa noon
Pagkat ako noon na ay nakahimlay
At na'y paparoon sa kabilang buhay
poem by Pacific Hernandez
Added by Poetry Lover
Comment! | Vote! | Copy!